Home » Archives » 05. September 2008
The body remembers
September 5, 2008
Maraming Naaalala Ang Katawan
Pag-iisa’y di yata makakayanan;
Patuloy akong mangungulila dahil
Kay-raming naaalala ng katawan.
Ang iyong karikta’y di nasisilayan,
Kaya nakakulong sa dusa’t panimdim—
Pag-iisa’y di yata makakayanan.
Malamyos mong tinig na kinabaliwan,
Salita’t pangakong puno ng paggiliw,
Kay-raming naaalala ng katawan.
Labi mong matamis, bangong nakakintal
Sa aking isipan—sugat sa damdamin—
Pag-iisa’y di yata makakayanan.
Haplos mong nanuot sa kaibuturan,
Ngayo’y nagmumulto sa gitna ng dilim:
Kay-raming naaalala ng katawan.
Pagsasanib nati’y di ko malimutan,
Parang isang sugat na ayaw gumaling;
Pag-iisa’y di yata makakayanan,
Kay-raming naaalala ng katawan.
maynila, 2003, nirebisa sa phnom penh, 2008
copyright Michael P. De Guzman










