Home » Archives » 04. October 2008
Shot glass poetry
October 4, 2008Usapang Lasing
Nang lumalim ang gabi kasabay
Ng ating kalasingan, natagpuan
Ko bigla na tayo’y nagtutunggali
Kahit di batid kung ano ba talaga
Ang pinaglalabanan, tumaas
Ang mga boses, nagsalimbayan
Ang mga opinyon na tila kidlat
Na gumuguhit sa kalangitang
Binabagyo, naghalo ang tatlong
Wika sa pag-ikot nitong usapan–
Hanggang sa kusang nahinto
Ang palitan ng salita at ikaw ay
Natahimik, waring nalukuban
Ng walang hanggang pagod.
Hatid ng umaga ang pagkalimot,
Dahil nang muli kang makita’y
Nagbalik ang palitan ng ngiti’t
Mga biruan, at ang karugtong
Ng ating tunggalia’y sasapit uli
Marahil sa pagsayad ng alak
Sa sikmura at sa pag-akyat
Ng mga espiritu sa ating utak.
para kay King
phnom penh, 2008
copyright Michael P. De Guzman










