Home » Archives » 16. November 2008
10 years ago, 2
November 16, 2008Balag
Mula sa bulaklak, bunga’y nabubuo.
Sa mumunting ugat, puno’y tumutubo.
Sa ligaw na buto, halama’y uusbong.
Sa iisang dahon, lilim ay yayabong.
Di naman bulaklak, hindi rin bunga.
Ugat na umalsa, punong di pa kaya.
Butong nabiyak na, halamang ‘tinangi.
Dahong papalago, ngunit nanaghili.
Dahil sa ‘yong ngiti, dibdib ay tumahip.
Nahagip ang titig, hininga’y numipis.
Narinig ang boses, isip ay lumipad.
Sa iisang dantay, damdami’y nalantad.
Alinlangang ngiti, kahulugang tago.
Titig na ‘kinubli, pagsuyo kong dungo.
Salitang di sumpa, pinanghahawakan.
Atubiling dantay ang s’yang katunayan.
Bungang nakabitin, kinalong ng hangin:
Binusog sa araw, lupa ang tanawin.
Di ka mangingibig, di rin kaibigan:
Dahil alanganin, ako na’ng lumisan.
maynila, 1998; nirebisa maynila, 2003 at phnom penh, 2008
copyright Michael P. De Guzman










